Ni LILY REYES
SIBAK sa pwesto ang mataas na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos manggigil at manyakin di umano ang siyang batang police woman noong nakaraang Lunes.
Sinampahan ng reklamong “sexual harassment” ang opisyal na may ranggong lieutenant colonel at tumatayong commander ng isang police unit sa QCPD. Inilagay na sa floating status ang QCPD colonel habang gumugulong ang imbestigasyon.
Nagsampa na rin ng reklamo ang policewoman sa Internal Affairs Service (IAS) laban sa colonel.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Philippine National Police (PNP) public information officer Col. Jean Fajardo nitong Biyernes na narelieve na ang nasabing opisyal sa kanyang pwesto.
Tumanggi si tagapagsalita ng PNP na ibunyag ang iba pang mga detalye. Katwiran ni Fajardo, nakiusap ang biktimang policewoman na huwag muna ilabas ang kanyang pagkakakilanlan.
“Bilang respeto sa babaeng biktima, nakiusap siya na huwag na idiscuss yung kaso,” ani Fajardo sa news briefing sa Camp Crame.
