WALANG plano ang Department of Transportation (DOTr) na tanggalin ang mga bike lane sa kahabaan ng EDSA.
Katwiran ng DOTr, bahagi ng tinaguriang active transport infrastructure ng pamahalaan ang bike lanes – hindi lamang sa kahabaan ng EDSA kundi maging sa iba pang pangunahing lansangan sa buong bansa.
Bukod sa bike lanes, kabilang rin anila sa isinusulong ng administrasyon ang mga walkway para sa kaligtasan ng mga pedestrian.
Una nang nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa DOTr na tanggalin ang bike lane sa kahabaan ng EDSA dahil sa kaunti lamang umano ang nagbibisikleta sa 54-kilometrong kalsadang nagdurugtong sa timog at hilagang bahagi ng Metro Manila.
Sa halip na bike lane, iginiit ng MMDA na ipagamit na lang sa mga motorsiklo ang espasyong inilaan sa mga bisikleta.
“The DOTr heeds to the long-overlooked clamor of public and active transport commuters to have better commuting experience by pushing for expanded and safer walkways and bike lanes, most especially along national roads,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng kagawaran.
Sa ilalim umano ng National Transport Policy (NTP) at Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, prayoridad ng pamahalaan ang mga pedestrian at mga non-motorized transport.
