PARA kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr., higit na angkop tularan ng mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mabilis na pagresponde ng mga pulis-Quezon City sa mga krimen na nagaganap sa nasabing lungsod.
Partikular na tinukoy ni Acorda ang aniya’y ‘crime-prevention mechanism’ ng Quezon City Police District (QCPD).
Ani Acorda, ang three-minutes response time (3MRT) sa Integrated Command Control Center na pinangangasiwaan ng QCPD ay napatunayang epektibo sa pagbabawas ng kriminalidad sa nasabing lungsod kung saan aniya nakakaresponde ang mga pulis sa tuwing makakatanggap ng tawag hinggil sa naganap na krimen sa loob lang ng tatlong minuto.
“The good thing that I want to be adopted by other cities and municipalities is the command center of the QCPD wherein they have that three-minute response. I was impressed by the visit to QCPD,” wika ni Acorda sa kanyang talumpati sa pagbisita ng National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Para sa PNP chief, napapanahon na rin isulong ang 100% modernisasyon ng PNP sa tulong ng mga aniya’y ‘state-of-the-art facility’ para sa mabilisang pagresponde sa tawag ng saklolo.
“If we can do that in the whole area of Metro Manila wherein the event of an incident, our police can immediately respond, then I think our crime prevention will be strengthened,” dagdag pa niya.
Hiningi rin ng hepe ng pambansang pulisya ang suporta ng mga kabaro para maisakatuparan ang inilatag na programa sa ilalim ng kanyang termino.
“Let us work together for aggressive and honest law enforcement operations, personnel morale and welfare, integrity enhancement, ICT development and community engagement.”
Hindi rin aniya dapat kaligtaan ang pagsupil sa kriminalidad, droga, terorismo at katiwalian sa hanay ng mga pulis.