GANAP nang pinatigil ng Commission on Higher Education (CHED) ang programang libreng matrikula sa limang pamantasan at kolehiyo sa Central Visayas, ayon mismo kay CHED chairperson Dr. Prospero de Vera III.
Sa kanyang pagbisita sa Cebu, sinisi ni de Vera ang mga naturang eskwelahan na aniya’y hindi sumunod sa reglamento sa ilalim ng Republic Act 10931 (Universal Access to Quality Tertiary Education Act).
“So at the start, yung mga nakapag-apply na, kasi dalawa yung type of evaluation. One is on the certificate of program compliance, which means that the degree program offered should have the basic requirement for the degree program. Qualified teachers to teach the subjects, facilities that you have, your libraries, etc.,” paliwanag ni De Vera.
Giit ng opisyal, hindi naman aniya mabigat ang mga rekisitos na itinakda sa ilalim ng RA 10931 – “These were the minimum requirements for schools to offer a degree program.”
Meron din aniyang isa pang antas – yaong nakatuon sa tinawag niyang ‘institutional recognition’ na sumusuri sa kakayahan ng isang pamantasan sa larangan ng pasilidad, medical personnel at guidance counselor. Sinusuri rin aniya ang kwalipikasyon ng university president.
Sa limang unibersidad na binawian ng programang libreng matrikula, tatlo ang mula sa Cebu (Mandaue City College, Madridejos Community College at Sibonga Community College), habang dalawa naman sa Bohol.
Para kay de Vera, pagkukulang ng mga naturang paaralan ang nagtulad sa CHED na kanselahin ang programang libreng matrikula sa mga naturang eskwelahan.
“There was a requirement that you must complete both within two years. Dumaan yung two years, the majority of the local universities and colleges complied with the requirement. But there were some who had difficulty complying. So they ask the UNIFAST board, can we get an extension of 6 months, they were granted a six months extension. After six months they still could not comply. They say can we get another six months? So in effect, they were given three years to comply,” sumbat ng CHED official.