
NI ITOH SON
Galit na sinugod ni Manila City Mayor Isko Moreno ang construction site sa Avenida Rizal, matapos ipagiba umano ni Manila 3rd District Congressman Joel Chua ang satellite office ng lokal na pamahalaan
Ayon kay Moreno, ilegal ang isinasagawang konstruksyon sa isang lote sa panulukan ng Alvarez Street at Avenida Rizal.
Ang dahilan – pag-aari ng pamahalaang lungsod ang lupa kung saan aniya dating nakatayo ang isang covered court at ang satellite office ng Manila City Hall.
Sa pagkadismaya, agad na pinakandado ng alkalde ang construction site, kasabay ng pagkumpiska sa mga heavy equipment na ginagamit sa proyekto ni Chua.
Kwento ng mga residente sa naturang lugar, basta na lang umano giniba ang covered court of Manila City Hall satellite office para bigyang-daan ang proyekto ni Chua. Inabisuhan na rin umano ng kontratista ang mga residente sa nalalapit na paggiba sa senior citizens office.
Ayon kay City Engineer Armand Andres, walang permiso mula sa lokal na pamahalaan ang paggiba at planong pagtatayo ng bagong istruktura sa naturang lugar.
“Walang permiso sa amin ’to. Property ng Maynila ’yan,” ani Moreno.