TARGET ng Bureau of Corrections (BuCor) imbestigahan ang di umano’y pwersahang pagpapahubad ng mga jail personnel sa mga asawa ng mga political prisoners ng New Bilibid Prisons (NBP) para tiyakin walang ilegal na kontrabandong makakalusot sa nasabing piitan.
Pag-amin ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., naghain ng reklamo ang mga babaeng dalaw na pilit di umanong pinaghuhubad ng NBP personnel bilang bahagi ng routine inspection bago papasukin sa loob ng pasilidad.
Bukas din aniya ang BuCor kung may iba pang ahensya ng pamahalaan na nais mag-imbestiga kaugnay ng paghihigpit na isinasagawa ng BuCor hindi lamang sa NBP kundi maging sa iba pang penal colonies sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Paliwanag ng BuCor chief, ang mahigpit na implementasyon ng routine inspection sa hanay ng mga dalaw ay bunsod na rin ng mga tangkang pagpupuslit ng mga ilegal na kontrabando sa loob ng piitan.
May mga insidente pa aniya na itinatago sa ari ng babaeng dalaw ang droga, sigarilyo at iba pa.
Katunayan aniya, nasa 30 dalaw ng mga preso ang nahulihan ng mga ilegal na kontrabando mula Oktubre ng nakaraang taon hanggang Marso.
“We have to be strict, without fear or favor in the implementation of a strip search, otherwise we will negate our responsibility of protecting our PDLs and if we exempt an individual, we might be accused of giving VIP treatment,” wika ni Catapang.
Panawagan ng BuCor chief sa Kongreso, dagdagan ang budget ng kawanihan para makabili ng full-body scanner machines na tulad ng ginagamit sa mga paliparan.
Samantala, pansamantalang tinanggal sa pwesto ang pitong BuCor personnel para bigyang-daan ang imbestigasyon bunsod ng reklamo ng mga babaeng dalaw ng mga preso.
“They will be placed under attached/unassigned at the New Bilibid Prison Superintendent’s Office,” saad sa isang pahayag ng kawanihan.
