BUGBOG-SARADO sa taong bayan ang isang lalaki matapos “mamitas” ng cellphone sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Manila Police District Plaza Miranda Police Community Precinct chief Captain Dennis Turla, isang estudyante ang inagawan ng cellphone habang sakay ng pampasaherong jeep.
Ayon kay Turla, naganap ang insidente sa Quezon Boulevard northbound na sakop ng Barbosa police station.
Sa salaysay ng biktima, sakay siya ng pampasaherong jeep nang bigla umanong hablutin ng suspek ang kanyang iPhone 17.
Agad naman humingi ng saklolo ang biktima. Hinabol ng ilang residente at mga saksi ang suspek hanggang sa masukol sa kabilang bahagi ng Quezon Boulevard.
Ilang sandali pa, rumesponde ang mga pulis ng Plaza Miranda PCP na nagkataong nagpapatrolya sa lugar at agad na inaresto ang suspek.
Nabawi sa suspek ang hinablot na cellphone. Nakuha rin sa pag-iingat ng lalaki ang isang pen gun.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. (JULIET PACOT)
