WALA ng buhay nang matagpuan sa malalim na bahagi ng bangin sa Tuba, Benguet ang isang dating opisyal na umanoy sangkot sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa inisyal na impormasyong ibinahagi ng lokal na pulisya, nasawi umano si former DPWH Secretary Catalina Cabral mula sa pagkakahulog sa bangin sa Kennon Road.
Ayon kay Major Peter Camsol, hepe ng Tuba Municipal Police Station, idineklarang wala nang buhay si Cabral sa tabi ng Bued River dakong alas-12:03 ng madaling araw.
Narekober ang kanyang mga labi dakong alas-12:30 ng umaga at dinala sa isang punerarya.
Gayunpaman, nilinaw ni Camsol na patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga pangyayari na nagdulot ng pagkamatay ni Cabral.
Una nang iniulat na natagpuan si Cabral na “unconscious and unresponsive” sa layong 20 hanggang 30 metro mula sa highway matapos ang umano’y pagkahulog.
Batay sa pulisya, bumiyahe si Cabral at ang kanyang driver sa Kennon Road patungong La Union noong Huwebes ng hapon nang hilingin niyang ibaba siya sa isang bahagi ng kalsada. Bumalik ang driver makalipas ang ilang oras ngunit hindi na siya nakita at humingi ng tulong sa pulisya.
Iniutos naman ng Office of the Ombudsman sa mga awtoridad sa Benguet na tiyakin ang kustodiya ng cellphone at iba pang gadgets ni Cabral.
“The Ombudsman’s office directs the authorities in Benguet to take custody of and preserve the cellphone and other gadgets of former Usec. Cathy Cabral,” ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, at idinagdag na “The same is to be turned over to the investigators at the proper time.”
Nagbitiw sa pwesto si Cabral noong Setyembre sa gitna ng mga imbestigasyon sa umano’y anomalya at kickback sa flood control projects
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng DPWH sa mga naulila ni Cabral.
Base sa ipinalabas na statement ng kagawaran, nakasaad na naglingkod si Cabral sa pamahalaan sa loob ng 40 taon.
Labis nalungkot ang mga taga-DPWH sa pagkamatay ng opisyal dahil isa siyang malaking kawalan sa pamumuan.
Ayon sa DPWH, batid ng ahensiya ang kalungkutan na dulot sa pamilya kasabay na rin ang pag-aalay ng taimtim na panalangin.
Hinikayat ng kagawaran ang lahat na igalang ang privacy ng pamilya ni Cabral sa panahon ng pagdadalamhati.
Si Cabral ay isang civil engineer. (JULIET PACOT)
