SA gitna ng nagbabadyang malawakang brownout, umapela ang isang dating opisyal ng Department of Energy (DOE) sa pamahalaan – ibasura ang kontrata ng mga olikarko sa Malampaya Gas Field Project.
Partikular na tinukoy ni dating Energy Undersecretary Eduardo Mañalac ang kontratang kalakip ng Service Contract No. 38 na hawak ng Udenna ni Dennis Uy at Prime Infrastructure Capital ni Enrique Razon.
Sa ginanap na online forum na inorganisa ng National Youth Movement for West Philippine Sea (NYMWPS), hinikayat rin ni Mañalac si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. huwag nang palawigin ang kontrata (na mapapaso sa susunod na taon) ng Udenna at Prime Infra, kasabay ng giit na atasan ang Philippine National Oil Company (PNOC) na mangasiwa sa Deepwater Gas-to-Power Project ng Malampaya.
Taong 1973 nang likhain sa bisa Presidential Decree No. 87 (Oil Exploration Act of 1972) ang PNOC para pangasiwaan ang operasyon ng mga proyektong may kinalaman sa langis at enerhiya.
“By simply not renewing the contract, it deliberately places direct control of Malampaya operations in the hands of the government,” sambit ng dating Energy official.
Ani Mañalac, mabibigyan rin solusyon rin kakulangan sa pananalapi ng gobyerno kung mababawi ang kontrol sa Malampaya kung saan di umano pumapalo ng P100 milyong kita kada araw ang pinaghahatian ng Prime Infra at Udenna na kapwa mayroong 45% controlling stake.
“It will also serve to maximize earnings for the Filipino people, who are at this point, losing billions of pesos to what we believe as unqualified private companies.”
Paliwanag pa ng dating opisyal, angkop na ipatupad ni Marcos Jr. PD 87 na nilagdaan ng kanyang yumaong ama at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., lalo pa’t nakasaad sa ilalim ng nasabing batas na tanging mga may kakayahang kumpanya lang ang maaaring gawaran ng kontrata.
Magugunitang unang kinuwestyon ng NYMWPS ang kontrobersyal na paglilipat ng controlling stakes ng Shell at Chevron kina Uy at Razon sa Malampaya na nagsu-supply ng 20% ng energy demand ng Luzon.
May katwiran si Manalac. Sang-ayon ako sa kanyang opinyon.