HINDI limitado ang mandato ng Bureau of Customs (BOC) sa pagbabantay ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento — trabaho rin ng kawanihan protektahan ang mga lehitimong negosyo.
Sa isang kalatas, ibinahagi ng BOC ang isinagawang pagsalakay sa isang pabrika sa bayan ng Mexico sa lalawigan ng Pampanga kung saan nabisto ang iligal na operasyon ng pabrika ng mga pekeng sigarilyo.
Sa loob ng pabrika, tumambad ang santambak na sigarilyo, gayundin ang mga pakete kung saan nakalombag ang iba’t-ibang “brand.”
Huli rin sa mga operatiba ang sopistikadong makina sa paggawa ng sigarilyo. Isinailalim din sa kustodiya ng otoridad ang 60 manggagawa — kabilang ang ilang dayuhan — na inabutan sa establisyemento.
Samantala, patuloy ang imbentaryo para matukoy ang kabuuang halaga ng mga kumpiskadong kontrabando. (JULIET PACOT)
