TINATAYANG aabot sa halagang P8-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang sinamsam mula sa dalawang Chinese nationals na nasakote sa isang checkpoint sa bayan ng Labrador, sa lalawigan ng Pangasinan.
Batay sa paunang report mula sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang checkpoint operation sa Barangay Poblacion matapos na harangin ng mga pulis ang isang closed van para inspeksyon.
Nang suriin, tumambad sa mga operatiba ang 101 kahon ng iba’t-ibang klase ng sigarilyo. Nang hingan ng mga dokumentong patunay na legal ang kargamento, walang naiprisinta ang mga suspek.
Sa imbentaryo ng pulisya, umabot sa 5,050 ream ng smuggled na sigarilyo (katumbas ng P8.05 milyon) ang kinumpiska bilang ebidensya laban sa dalawang banyaga.
Kasalukuyang nakapiit ang mga dinakip na Chinese nationals habang hinahanda ng Bureau of Customs ang pagsasampa sa piskalya ng patong-patong na kaso. (LILY REYES)
