
INAASAHAN ang mas mabigat ng dagok sa hanay ng mga magsasaka sa patuloy na pananalasa ng tagtuyot sa bansa bunsod ng tinatawag na El Niño Phenomenon.
Katunayan, umabot na sa mahigit P150 milyon ang kabuuang danyos ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura – partikular sa mga palayan at taniman ng mais, ayon mismo sa Department of Agriculture (DA).
Base sa ikatlong El Niño Bulletin na inilabas ng DA, nasa 4,000 mga magsasaka na mula sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang apektado ng El Niño.
Kabilang naman sa mga lalawigan nakapagtala ng pagkalugi sa kanilang mga pananim na palay at mais sa Iloilo, Antique, Negros Occidental, at Zamboanga del Norte.
Ayon pa sa ulat, nasa 3,291 ektarya na ang apektado ng tagtuyot dahil sa El Niño.
Gayunpaman, kumbinsido si DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa na hindi pa gaanong malaki ang naitalang pagkalugi sa sektor ng agrikultura bunsod ng El Niño.
Di rin aniya masyadong apektado ang kabuuang suplay ng bigas sa bansa.