KASABAY ng pagtamlay ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng malawakang agri-smuggling sa bansa, bulilyaso naman ang panibagong tangka ng pagpupuslit ng asukal sa lungsod ng Maynila.
Sa kalatas ng Department of Agriculture, humigit-kumulang P27 milyong halaga ng umano’y smuggled na asukal mula sa China ang nasabat sa magkakasunod na inspeksyon sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa kagawaran, isang timbre ng kanilang impormante ang nagtulak sa departamento para magkasa ng sorpresang mga pagbisita – na humantong sa pagkasabat ng refined white sugar na laman ng tatlo sa 14 na containers na target ng operasyon.
Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa Bureau of Customs (BOC), dekalaradong piyesa ng mga motorsiklo ang laman ng mga dambuhalang containers kung saan nabisto ang asukal na kargamento.
Patuloy naman ang inspeksyon sa iba pang kargamento.
Pagtitiyak ng DA, sasampahan ng kasong paglabag sa Food Safety Act of 2013 at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 ang nakatalang consignee ng nabulilyasong kargamento.