ISA ang oil smuggling sa pumipilay sa ekonomiya ng bansa. Dangan naman kasi, ang buwis para sa gobyerno, sa bulsa ng mga kumag napupunta. Ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon hayahay ang negosyong oil smuggling sa Batangas nina Dondon Alahas at alyas Violago.
Sa laki ganansya, hindi maiwasan mapansin ng senado ang bulilyaso. Katunayan, taong 2023 nang sumipa ang imbestigasyon sa siyam na pinaniniwalaang oil smugglers sa bansa – sina Dondon Alahas, Don Rabonza, Sonny Quiu, Jackie Chu, Aaron Uy, Lyndon Tan, Alex Chua, Bogs Violago at Jong Mangundadatu.
Sa naturang congressional inquiry, lumabas na si Dondon Alahas ang bagsakan ng smuggled fuel mula sa mga bansang China at Malaysia. Ibinabagsak ang smuggled fuel sa mismong Port of Batangas sa gawing Barangay Sta. Clara.
Ang siste, garapalan ang smuggling sa naturang pantalan.
Heto patunay, ang lugar kung saan idinadaong ang cargo vessel na may dalang smuggled fuel at napapalibutan mga kawani ng Bureau of Customs – Port of Batangas (BOC-POB), Batangas PNP, Maritime Police at Philippine Port Authority — at sa harap ng mga kawani ng naturang mga tanggapan dumadaan ang kontrabando.
Pero teka, hindi lang si Dondon Alahas ang bida sa Port of Batangas. Andiyan din sina Don Rabonza ng Navotas, at sina Sonny Quiu, Jackie Chu, Aaron Uy at Lyndon Tan na nagsasalit-salitan sa pagpupuslit ng kontrabando sa naturang puerto.
Maigi pa sina Alex Chua at Bogs Violago umiba ng teritoryo. Dun sila sa gawing Sariaya (Quezon) gumagawa ng himala, habang sa Mariveles (Bataan) naghahari si Jong Mangundadatu.
Kung di ako nagkakamali, hayagang tinanong ni Senador Raffy Tulfo ang mga opisyales ng BOC kung kilala nila ang siyam na oil smugglers na nasa talaan ng Senado.
Pero sa halip na magsabi ng totoo, itinanggi ng mga damuho na kilala nila ang mga oil smugglers na nasa talaan.
Dun na nagtapos ang kwento. Kasi naman tila nabaon na sa limot ang imbestigasyon. At dahil nakatengga, natural wala rin resolusyon.
Ang tanong – ANYARE?
Kaya naman pala hanggang ngayon talamak ang oil smuggling sa bansa.
Oops, muntik ko pa makaligtaan ang ibiniling mensahe ni Sgt. Adlawan kina Dondon Alahas at Violago — kelangan na daw itaas ang lingguhang koleksyon (mas kilala sa wikang balbal bilang patong), kasi nga naman mataas ang inflation.
Susmaryosep, pati kotong mahal na pala!
