
PAGKATAPOS ng tatlong taon ng pagtatamasa ng bonggang ganansya mula sa mga ilegalista, isang pangako ang binitawan ng mga botante sa lalawigan ng Batangas – lahat ng mga politikong tongpats sa sakla, STL-con-Jueteng, lotteng at pergalan, ibabasura sa nalalapit na halalan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Kalawit sa mga non-government organizations (NGO) na nakabase sa naturang lalawigan, kabilang sa napipinto umanong ilaglag ng mga botante ang si former Padre Garcia Mayor Michael Angelo Rivera na nangangarap maging gobernador ng Batangas.
Michael as in Mike Romantiko?
Sino nga ba ang Mike na yan? Kung hindi ako nagkakamali, taong 2022 nang siya’y kumandidato bilang partylist congressman. Pero dahil bistado ang karakas ng kumag, hindi siya nakalusot sa mga mapanuring mata ng mga botanteng Pinoy.
Ang masaklap, nais niyang bumuwelta sa pagkatalo noong 2022. Ngayong taon, target niya maging gobernador ng Batangas… pero teka, hindi ba’t tubong Nueva Ecija yan?
* * *
Pasok din sa talaan ng trapong target ng kampanyang “wag Iboto” sina reelectionist Mayor Joseph Peji ng Lian, Mayor Sonny Collantes ng Tanauan, at Mayor Joy Salvame (na kandidato ngayon para sa posisyon ng Vice Mayor) ng Ibaan.
Ang dahilan – kawalan ng aksyon sa mga sumbong hinggil sa lantarang illegal gambling operation ng tambalang Tisoy at Nonet sa mga naturang lokalidad.
But wait there’s more… totoo bang may guerilla operation ng illegal POGO sa Lian, Tanauan at Ibaan? Nakupu pupu!
Sakaling totoo ang usap-usapan tungkol sa guerilla operation ng illegal POGO sa lalawigan ng Batangas, sigadong hindi palalampasin yan ni Batangas 2nd District Congresswoman Gerville Luistro.
* * *
Kung meron man dapat sisihin ang mga politikong pupulutin sa kangkungan pagsapit ng araw ng halalan, yun ay ang matikas na tambalan nina Tisoy at Nonet na kapwa kapural sa likod ng STL-Bookies, at saklaan sa iba’t ibang panig ng Batangas.
Matikas ang dalawang kumag na yan. Dangan naman kasi, bata ni Mike Romantiko. Kaladkad din nina Tisoy at Nonet ang pangalan ni Mayora Celsa Braga-Rivera. Pagmamalaki pa nila, sanggang-dikit sila ni yorme.
But wait there’s more, pati pangalan ni Batangas Provincial Police director Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr., isinasangkalan din nina Tisoy at Nonet sa bisa ng lingguhang payolang kinokolekta umano sa kanila ng isang alyas Sarhento Adlawan.
Alam kaya ni Col. Malinao ang diskarteng pilipit ni Sarhento Adlawan? Ramdam kaya ng Batangas provincial police chief ang bukol sa kanyang bumbunan? Susmaryosep… baka kailangan niyo na magsuot ng double helmet, magpasabi lang kayo para maipa-Lalamove ko dyan sa kampo.
* * *
Kung ako si Col. Adlawan, lilinisin ko ang aking pangalan. Paano? Walisin niyo ang lahat ng ilegal sa inyong nasasakupan – kesehodang sino pa ang inyong masagasaan dahil yun ang tama at yun mismong ang inyong sinumpaan nang sumapi kayo sa pambansang kapulisan.
Kabilang sa wishlist ng mga Batangueño ngayon taon ang mapuksa ang mga salot na negosyo ni Mike Romantiko at mga tuta niyang sina Tisoy at Nonet.
Pasok din sa wishlist ng mga lehitimong Batangueño sa bayan ng Ibaan ang garapalang pergalan ni Madam Norma at Aling Yolly sa mismong Poblacion kung saan nag-oopisina si Mayor.
Swak din sa wishlist ng mga lehitimong Batangueño ang mala-casinong pergalan sa mismong pamilihang bayan sa munisipalidad ng Lian.