HINDI na bago ang katiwalian sa pamahalaan at hindi na rin nakakagulat ang sumambulat na korapsyon sa mga pagawaing-bayan tulad ng mga flood control projects na ginastusan ng daang-bilyong piso mula sa dugo at pawis ng mga mamamayan.
Totoo naman may sabwatan sa pagitan ng mga kontratista at mga tiwaling opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Pero teka, hindi pwedeng mawala sa eksena ang mga kongresista – kasi nga development fund ng kinakatawang distrito ang ginamit sa proyekto.
Sa gitna ng kontrobersiya, umarangkada ang kabi-kabilang imbestigasyon. Sumawsaw ang Senado at Kamara sa tinatawag na “investigation in aid of legislation.”
Ang DPWH naman bet imbestigahan ang sariling bulilyaso. Nakakasuka, hindi ba?
So social media, kanya-kanyang paandar at mungkahing solusyon sa lintek na korapsyon. May nagtutulak ng parusang kamatayan sa mga kawatan sa pamahalaan. Meron din naman peg ang modernisasyon para matukoy kung saan may “kababalaghan.”
Pero sa ganang akin, parang mas mainam kung ang DPWH na mismo ang gagawa. Sa madaling salita, huwag na ipasa sa mga kontratista ang proyekto sa imprastraktura.
Sa laki ng pondo ng DPWH, siguro naman kayang-kaya magpundar ng mga makabagong kagamitan sa larangan ng imprastraktura.
Ang pondong karaniwang napupunta sa komisyon ni congressman, gamitin sa pagkuha ng mga empleyado sa mga pagawaing bayan ng gobyerno.
Lilinawin ko lang ha. Hindi ako eksperto, pananaw lang ito ng isang Pinoy taxpayer.
