HETO na naman tayo. Kahit maraming beses na nating napanood, hindi nagsasawa ang mga trapo na muli’t muling ipamalas ang kakapalan ng mukha at subukang baguhin ang Konstitusyon tuwing may bagong presidente.
Panahon ni Cory Aquino nang ipasa ang 1987 Constitution at simula noon, walang palyang humirit ang mga pumalit na pangulo – maliban kay Noynoy Aquino – sa charter change o ChaCha. Kahit yung mamamatay-taong biglang nagtatambling ngayon at nagsasabing “da bes” ang kasalukuyang Konstitusyon ehh nagtangka ring baguhin ito noong panahon niya.
Bigo ang lahat ng naging pagtatangka sa ChaCha pero sa pagkakataong ito tiwala ang mga trapo sa Kongreso na magtatagumpay sila dahil akala nila madaling utuin ang mga taong mahapdi ang sikmura. Kunyari people’s initiative (PI) ito; kagustuhan ng mamamayang naitsa-pwera sa EDSA at hindi umaasenso sa buhay dahil sa Konstitusyon. At walang kahihiyang ginagamit ng mga kongresista ang pera ng bayan at makinarya nila sa pagpapapirma – at pang-uuto – sa mamamayan para sa PI.
Maraming balitang lumalabas tungkol pamimigay ng pera at pangako ng ayuda kapalit ng pirma. Itinuturo mismo ng kapatid ni Dayunyor sa Senado na ang pinsan nila sa Bahay ng mga Kinatawan ang pasimuno ng PI. Kumpyansa ang super-duper na mayorya sa Bahay na malalampasan pa nila ang 12% na kailangang pirma ng mga botante sa buong bansa at 3% kada distrito para sa PI. Target nilang makakalap ng sapat na pirma para magkaroon ng plebisito sa Hulyo.
Sa propaganda nila, sagabal ang mga pang-ekonomiyang probisyon sa Konstitusyon sa pag-unlad ng bayan kaya kailangan itong baguhin.
Kaso, sa simula pa lang halata nang gustong pilayin ng mga siga sa Bahay ang Senado sa mungkahing gawin ang pagboto ng Bahay at Senado nang magkasama sa halip na magkahiwalay sa bicameral body o Constitutional Assembly o Con-Ass.
Dehado ang Senado sa magkasamang boto dahil masasama lang ang boto ng 24 na senador sa boto ng 316 na kasapi ng Bahay ng pinsan ni Dayunyor. Natural hindi payag ang mga senador dito, pero biglang nagsirko ang presidente nila at sinabing payag na siyang mag-cha-cha kung hindi ito isasali at tatlong bagay lang ang pag-uusapan: ekonomiya, edukasyon, at pag-aari ng dayuhan sa industriya ng patalastas o advertising. Tiwala siyang may prinsipyo ang mga taga-Bahay at susunod sa resolusyong inihain niya. Huwag muna tayong tumawa.
‘Yun nga lang, sino ba ang may tiwala sa mga trapo dito sa Pinas? Kaya hindi nagtagumpay ang mga nakaraang ChaCha eh duda ang lahat sa intensyon ng mga trapo. Sa sandaling pinayagan silang mag-ChaCha sa pamamagitan ng PI, sino ang makakapigil sa kanilang magdagdag ng panukala, gaya ng pagpapahaba ng termino?
Ang medyo nakakaasar sa mga usap-usapang ito ng ChaCha eh para bang pinapahalagahan ito ng mga nagsusulong ng PI, gayong malaya nila itong binabalewala kapag gusto nila. Bawal ang dinastiya sa Konstitusyon pero kaliwa’t kanan itong nilalabag at ni walang nagrereklamo. Weno kung walang partikular na batas na nagbabawal dito, para saan pa at tinatawag itong Saligang BATAS ng Pilipinas? At kayang-kaya naman nilang palusutan – na ginawa na nga nila sa mga bagong batas na ipinasa nila – ang ilang mga paghihigpit ng Konstitusyon tungkol sa pag-aaring dayuhan ng mga negosyo sa Pilipinas at ilan pang pang-ekonomiyang probisyon. Pero wa-epek pa rin ito.
Ayaw nilang tanggapin na ang makakaakit lang sa mga dayuhang negosyante – kung gusto talaga nilang mang-akit – eh ang pagsugpo sa korapsyon, pagpapadali ng pagnenegosyo, at pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Hindi ang 100% na pagmamay-ari ng dayuhan sa lupa at negosyo. At kayang gawin ito nang hindi binabago ang Konstitusyon.
