SA tindi ng kompetisyon sa larangan ng negosyo, marami ang gumagawa ng iba’t ibang gimik para ang kanilang munting kabuhayan ay mag-click.
Pero sa Philippine Stock Exchange (PSE), may isang sikreto ang nabunyag kamakailan matapos sumingaw ang bentahan ng common shares ng EEI Corporation.
Kung tutuusin, sikat ang EEI sa nakalipas na apat na dekada. Pero sa paglipas ng panahon, tumindi ang kompetisyon hanggang sa tuluyang nalugi at nalubog sa utang ang naturang kumpanya.
Subalit bago pa man tuluyang mabangkarote, binili ni dating House Speaker Martin Romualdez noong kalagitnaan ng taong 2023 ang 20 porsyento ng common shares ng EEI sa halagang P1.2 bilyon.
Ang totoo, malaking bentahe sa EEI mapabilang sa mga shareholders si Romualdez. Sa lawak ni Romualdez (na bukod sa pagiging lider ng Kamara ay pinsan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.), madali lang makasungkit ng malaking kontrata sa gobyerno.
Pero taliwas sa inaasahan ng EEI, nagbago ang ihip ng hangin. Sa unang bahagi ng 2024, inurot ni Romualdez ang EEI na bilhin ulit sa kanya ang 20 percent common shares dahil kailangan umano ng noo’y presidential candidate na si Marcos ang malaking pondo para sa kampanya.
Hirit ni Romualdez — P3.75 bilyon para sa common shares na nabili lang nya sa halagang P1.2 bilyon.
At dahil lugi at lubog pa rin sa utang, walang naganap na “buyout.” Sa totoo lang, malabo naman talaga yan kasi nga wala pa naman nakukuhang kontrata ang EEI sa gobyerno. Sa madaling salita, wala pa rin pera ang kumpanya.
Subalit sadya nga yatang tunay ang himala. Kasi naman biglang nagkapera ang EEI at nagawang pagbigyan ang hirit na P3.75 bilyon ni Romualdez.
Jackpot si Boss Martin — ang kanyang P1.2 bilyon, naging P3.75 bilyon pagkatapos lang ng anim na buwan!
Paano? May binarako si Romualdez para maglagak ng P5-bilyon sa EEI. Sa takot, walang nagawa ang kausap ng pinsan ng Pangulo kundi sumunod.
Ang tanong — anong korporasyon ba ang binarako ni Romualdez para mag-invest ng P5 bilyon sa isang kumpanyang naghihingalo?
Tanong ulit – alam ba yan ng pamunuan ng PSE? Ano kaya ang masasabi ng Securities and Exchange Commission tungkol dyan?
