
KAMAKAILAN lang isang kaibigan sa panulat ang nagpainit sa aking ulo. Hindi ko naman kasi akalain na meron palang isang bayan sa Rizal ang nagsusulong sa kultura ng sugal at pagiging lasenggo.
Huwag na tayo mag paligoy-ligoy. Tumbukin na natin ang bayan ng Taytay kung saan garapalan ang promosyon ng isang alak na may pangalan ng kandidato sa posisyon ng vice-mayor.
Isang chat lang sa kandidato, may libreng alak na kayo.
Ang masaklap, meron pa pang higit na nakakasuka – ang pagtatayo ng panibagong sabungan hindi kalayuan sa mga kabahayan at paaralan.
Batay sa dokumentong pirmado ni Arnel Ignacio na tumatayong Regional Director Ariel Iglesia, partikular na pinuna ang sumbong ng isang Rizalito Tejada Jr. sa permisong iginawad ng lokal na pamahalaan ng Taytay para sa bagong sabungan sa Barangay Muzon.
Susmaryosep! Hindi ba’t meron nang sabungan sa Taytay? Malinaw na nakasaad sa Presidential Decree 449 na limitado lang sa isang sabungan ang pwedeng itayo sa kada bayan.
Ipagpalagay natin na malaking bentahe ang buwis na malilikom ng lokal na pamahalaan sa sabungan… tama bang ilagay ang sabungan sa gitna ng mga kabahayan? Sa tingin ko naman mas hindi angkop ang pagtatayo ng sabungan malapit sa mga paaralan — maliban na lang kung nais ng lider ng naturang bayan na gawing sugarol ang mga kabataan sa kanyang nasasakupan.
Kung tutuusin, hindi dapat pinalusot ng Sangguniang Bayan ang aplikasyon ng negosyante sa likod ng sabungan dahil sa umiiral na zoning ordinance. Pero dahil sa kalansing ng pera, narahuyo ang mga damuho sa konseho.
May panahon pa ang mga nakaupo sa munisipyo para ituwid ang malinaw na pagkakamali.
Unang punto – lugar para sa panibagong sabungan. Bakit hindi na lang sa lugar na malayo sa mga kabahayan at eskwelahan?
Pangalawang punto – zoning ordinance. Bakit kailangan isakripisyo ang kapakanan ng mga residente para lang pagbigyan ang kapritso ng kung sinong herodes na negosyante?
Pangatlong punto – buwis para sa pamahalaan. Malaki ang nawawala sa kaban ng bayan bunsod ng katiwalian. Pero sabi nga sa isang infomercial na inilabas 30 taon na ang nakalipas… sa mata ng mga kabataan, ang mali nagiging tama kung yun mismo ang nakikita sa mga nakatatanda.
Ika-apat na punto — kultura ng sugal. Hindi pa ba tayo natuto sa kontrobersyal na e-sabong at illegal POGO? Walang mabuting dulot ang pagsusugal. Period!
Wag nyo nang pilitin sundan ang lifestyle ng isang opisyal sa munisipyo — biyahe dito, biyahe dun pero ang gastos syempre sagot ng munisipyo… pati yata ang perang pinapatalo sa casino.