AKALA siguro ni Dayunyor matutuwa ang madla sa pinirmahan niyang “Ease of Paying Taxes Act” noong Biyernes, 5 Enero 2024. Ang siste, mas naalala lang nila ang mahigit 200 bilyon pisong utang na buwis ng pamilya niya, at lalong nalantad ang pagiging ipokrito ng Rehimeng Makoy 2.0.
Utang na loob, tigilan na ang pang-uuto sa taumbayan at bayaran na ang utang na buwis sa mga ninakaw na ari-arian. Hindi mapagkakatiwalaan ang gobyernong ito at kahit anong panawagan ng Malakanyang sa mga mamamayan na magbayad ng tamang buwis – at gaano pa man kabilis iyan at episyente – tatawanan lang sila. Maniniwala lang ang mga tao kung kusang loob na magbabayad ng buwis ang pamilyang pinalayas nila noong 1986 dahil sa garapalang pagnanakaw.
Pero sa halip na magbayad, iginigiit ni Dayunyor na hindi raw siya binigyan ng pagkakataong makasagot at ginagamit niya ngayon ang lahat ng kapangyarihan at impluwensiya sa eheklutibo, lehislatura at hudikatura para isulong ang kanyang naratibo at palusutin siya sa bandang huli. Napalitan na niya ang pinuno ng Bureau of Internal Revenue na dating naniningil sa kanya at ngayo’y dedma ang bagong pinuno nito tungkol sa utang niya. Kaabang-abang kung ano ang gagawin ng Korte Suprema sa gusto ni Dayunyor na muling buksan ang kaso na dinesisyunan nang final and executory noon pang 1997 nang 23 bilyong piso pa lang ang halaga nito. Nagdesisyon na rin ang Korte noon pang 2003 na ang halagang itinago nila sa mga banko sa Switzerland at nakumpiska ng Pilipinas ay “ill-gotten;” sa madaling salita, kinurakot.
Sabi ng propagandista ni Dayunyor, mas marami na umanong taxpayer ang mahuhuli sa lambat ng gobyerno sa bagong batas at tataas ang koleksyon ng buwis, na alam natin kung saan napupunta. Natural, hindi kasama sa sinasabing “lambat” ang pamilyang Marcos.
Hindi maganda ang rekord ng rehimeng ito sa usapin ng serbisyo publiko at panay panggogoyo ang inaatupag; kesyo bumababa raw ang implasyon at tumataas ang GDP at kung anu-anong kaek-ekan, pero hindi natin nararamdaman ang epekto nito. Ang akala nila, kapag lalo nilang pinayaman ang mga mayayaman, maaambunan ang mahihirap at giginhawa na rin ang buhay. Hindi ganyan ang nagyayari. Lalong tumataas ang presyo ng bigas at iba pang bilihin.
