SA loob ng mahabang panahon, mababa tingin ng mga Pinoy sa Kamara. Dangan naman kasi, marami sa kongresista magaling lang sa simula.
Pero meron man pwedeng ipagmalaki ang Kamara, yun ay ang tapang ng mga kasalukuyang kongresista isiwalat ang dapat malantad tulad ng katiwalian, kawalangyaan, imoralidad, at iba pang hindi wasto sa mata ng mga bata – kabilang ang usapin ng extrajudicial killings, illegal POGO at hayagang paglabag sa karapatang pantao.
Ang totoo, hindi madali bumangga sa pamilyang higit na kilala sa awtoritaryanismo. Sino nga ba naman ang makakalimot sa malawakan at sistematikong patayang ikinubli ng pekeng giyera kontra droga sa anim na taon sa pwesto bilang Pangulo?
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm ng Kamara, dalawang preso mula mismo sa baluarte ni Digong ang nagbigay testimonya – sina Leopoldo “Tata” Tan alyas Tata at Fernando Magdadaro alyas Andy na kapwa aminadong inatasan utasin ang tatlong Chinese nationals na kalaban sa negosyo.
Anila, pinangakuan silang palalayain at tatanggap ng tig-isang milyong piso kapalit ng ulo ng mga Chinese drug lords na sina Cho-Kin Tong, Jackson Lee at Peter Wang.
Sa madaling salita, itinumba nilang dalawa ang tatlong Tsino sa loob mismo ng Davao Prison and Penal Farm. In fairness, natanggap naman di umano nila ang pabuyang tig-isang milyong piso. Pero ang pangakong kalayaan, drawing lang pala… hanggang ngayon nakakulong pa sila.
Pero hindi pa yan ang exciting part ng kanilang kwento. Sa isang pagkakataon, pinatawag di umano sila sa tanggapan ni Superintendent Gerardo Padilla na noo’y officer-in-charge ng Davao Prison and Penal Farm.
Sa loob ng opisina, inabutan nila si Padilla na may kausap sa teleponong naka loudspeaker pa. Dun nila narinig ang pamilyar na tinig — boses ni Digong na bumati pa di umano sa kanila ng ganito: “Job well done.”
Sa ginawang pag-amin nina alyas Tata at Andy, mas tumibay pa ang kasong crime against humanity na inihain sa International Criminal Court (ICC) laban kay Digong – sa kabila pa ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute na lumikha ng ICC.
Hindi maikakaila na malaking bentahe sa ICC ang mga testimonya ng mga testigo sa mga pagdinig sa Kamara. Kung hindi pa sa quad comm, malamang tuluyang gumuho ang pag-asa ng mga naulalilang pamilya ng libo-libong biktima ng pekeng giyera kontra droga ng administrasyong hangad lang pala ay kontrolin ang ilegal na negosyo.
Gayunpaman, kulang pa. Kailangan muna iharap sa husgado si Digong dahil karapatan pa rin niya ang isang parehas na paglilitis… yun ay kung matapang niyang haharapin ang kaso.
Ang tanong – haharap ba siya? O tatakbo palayo tulad ng ginawa nina Bantag, Quiboloy at Guo?
