Ni EDWIN MORENO
SA halip na puksain ang salot na sugal, protektado ng tatlong itlog ang mga illegalista at sindikato sa likod ng paihi, saklaan, bookies, STL-con-Jueteng, lotteng at iba pa sa limang lalawigan sa Calabarzon region.
Sino nga ba ang tatlong itlog na tong-pats sa mga illegalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon?
Sa pagsasaliksik ng Kalawit, tatlo ang masigasig na nag-iilot sa Calabarzon para sa lingguhang patong – sina Sgt. Binay, alyas Adlawan at isang Magsino na pawang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Sila rin ang may kontrol sa lahat ng sugalan. Pati fuel smuggling pasok sa kanilang talaan.
Sa mga bayan ng Taysan at Malvar (Batangas) pa nga lang, boundary na sila sa 50 pergalan ng isang alyas Doña Tessie at Queen Glenda. Bonggang ganansya rin ang ang tatlong itlog sa 109 bookies sa mga lungsod ng Tanauan at Lipa.
Ano nga ba ang meron sina Sgt. Binay, alyas Adlawan at isang Magsino? Dangan naman kasi parang bagyo ang dating ng mga damuho kina Batangas Gov. Dodo Mandanas at Batangas Provincial Police Director Col. Jacinto “Jack” Malinao.
Nauumay na nga ang mga grupong kontra sugal sa Batangas sa dami ng sumbong sa ilegal na operasyon ng mga sindikato sa likod ng mga pasugalan sa nasabing lalawigan.
Ako man, namamanhid na ang daliri sa pagsisiwalat ng mga illegal na pasugalan sa Calabarzon nina ayas Ocampo, Junior Biscocho, Lemey at alyas Roger Ricade na nasa likod ng 24-oras na bookies sa San Luis, Taal Mandy Garcia ng Nasugbu, at Willy Bokbok ng Padre Garcia.
Hindi rin pwedeng mawala sa eksena ang mga bidang illegalista – alyas Tisot, Nonit at Mike Romantiko na nagnanahapit para makalikom ng pondo sa pagtakbo bilang gobernador ng Batangas.
But wait, there’s more, isang retiradong Col. Castillo din ang di umano’y may-ari ng salot na bookies sa bayan ng Ibaan, alyas Digo, Riceo at Nep naman sa bayan ng Rosario Batangas.
Fuel smuggling naman ang diskarte nina Dondon Alahas at Buloy sa Port of Batangas, kasama sina alyas Bogs Violago at alyas Amang na alkalde ng isang bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Wala rin kawala sa mata ng publiko ang garapalang oil smuggling operasyon nina alyas Bong, Troy, Sammy at Alfred sa Lucena City at Guinayangan sa lalawigan ng Quezon.
Nakakagigil ang mga kapalmuks na ipinagmamalaki pang naghahatid ng lingguhang biyaya sa kay PNP chief Rommel Marbil gayung ang pagkakaalam ko’y regional level provincial at municipal level lang umaabot ang ganansya mula sa mga illegalista.
Ang masaklap, pati ang CIDG, NBI at Games Amusement Board pinangongolekta ng tatlong itlog.
Ang tanong – anong ginagawa ng mga provincial directors ng Calabarzon?
Ang sagot – ASA KA PA!
