PAGKATAPOS ng pananalasa ng bagyong Carina, red tide naman ang tinututukan ng gobyerno.
Sa isang kalatas, inalerto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko laban sa pagkain ng mga shellfish mula sa apat na baybayin sa iba’t ibang bahagi bansa kung saan lumabas sa pagsusuri ng mga eksperto na positibo sa red tide ang mga naturang bahagi ng karagatan.
Sa pinakahuling BFAR bulletin, kabilang sa mga lugar kung saan pinaniniwalaang kontaminado ng nakamamatay na red tide ang mga shellfish ang Dauls at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at baybayin ng Benito sa Surigao.
“Ang lahat ng uri ng shellfish, kasama ang alamang na nakukuha mula sa nasabing mga lugar, ay hindi ligtas para sa mga tao,” babala ng BFAR.
Gayunpaman, nilinaw ng BFAR na hindi naman dapat mag-alala ang publiko lalo pa’t ligtas naman anilang kainin ang isda, hipon at alimango – “Ang isda, pusit, hipon at alimango ay ligtas na kainin ng tao basta’t sariwa at hinugasan nang maigi habang ang mga internal organ tulad ng hasang at bituka ay tinanggal muna bago lutuin,” dagdag nito.
Paglilinaw ng BFAR, hindi kasama sa mga kontaminado ng red tide ang Honda Bay sa Puerto Princesa City sa lalawigan ng Palawan.
