
KALABOSO ang ending ng isang abogadong nahaharap sa patong-patong na kasong sexual exploitation sa Zamboanga City.
Sa kalatas ng Department of Justice (DOJ), tatlong menor de edad ang umano’y nasagip sa operasyong ikinasa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nasa ilalim na ng pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nasagip na biktima.
Bukod sa tatlong menor-de edad, meron pa anilang anim na kababaihan ang lumutang para sampahan ng kaso ang hindi pinangalanang abogadong umano’y nang-abuso sa kanila.
Sa imbestigasyon, lumalabas na hindi lang panghahalay ang pakay ng abogadong suspek sa mga menor de edad na biktima. Katunayan anila, may mga nakalap na ebidensya kung saan lumalabas na taong 2012 na sangkot ang suspek sa pagbebenta ng mga biktima pagkatapos lurayin.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek na kasalukuyang nakapiit sa NBI-Western Mindanao Regional Office.