
SA halip na magdutdot gamit ang bagong iPhone, malamig na rehas ang himas-himas ng isang 18-anyos na lalaking inireklamo ng ka-transaksyon. Ang dahilan — pekeng pera ang ipinambayad sa mamahaling telepono.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) kinilala ang suspek sa pangalang Rex na residente ng Barangay Gulod sa Novaliches District sa Quezon City.
Ayon kay Lt. Col. Rey Tad-o na tumatayong hep ng QCPD Holy Spirit Police Station, nadakip ang suspek sa isang entrapment operation matapos ireklamo ng isa sa mga biktima ni Rex.
Kwento ng biktima, ipinost umano niya sa Facebook Marketplace ang iPhone 14 Pro na kanyang binebenta sa halagang P24,000. Ilang sandali pa, nagchat aniya ang suspek na nagpahayag ng interes sa mamahaling cell phone.
Matapos ang negosasyon, nagkasundong magkita si Rex at ang biktima sa Novaliches. Huli na nang nadiskubre ng biktima na pawang palsipikado ang perang pinambayad ni Rex, hudyat para dumulog sa pulisyang agad namang nagkasa ng entrapment operation.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang estafa at paglabag Article 168 ng Revised Penal Code na mas kilala bilang Illegal Possession and Use of Counterfeit Money. (LILY REYES)