
TALIWAS sa paandar ng lokal na pamahalaan, patuloy ang pamamayagpag ng mga fuel smugglers sa lalawigan ng Bataan.
Sa isang operasyon ikinasa ng mga tauhan National Bureau of Investigation (NBI), 15 katao ang huli sa akto sa pagpupuslit ng nasa 800,000 litro ng krudo mula sa isang barkong nakahimpil sa karagatang sakop ng Mariveles.
Ayon kay NBI Director Jimmy Santiago, hindi dumadaong sa mga pantalan ang barkong may karga ng smuggled na krudo. Aniya, sa dagat na sinisipsip ng isang mas maliit na tanker vessel ang krudong karga ng hindi pinangalanang barko.
Ayon sa NBI chief, markado ng sulat Intsik ang barko.
Kabilang sa mga inaresto ang nagmamaneho ng barko at mga tripulante. Swak din sa kulungan ang drayber ng trak na pinagsalinan ng krudo
Patuloy pang inaalam ng NBI kung saan nagmula ang krudo. Kabilang ang Bataan sa mga paboritong paraiso ng mga sindikato sa likod ng malawakang fuel smuggling sa bansa.