
NAGPAHAYAG ng agam-agam ang Commission on Human Rights (CHR) sa planong Philippine National Police (PNP) na magbahay-bahay bilang bahagi ng kampanya para manghikayat sa mga nagmamay-ari ng baril na mag renew ng lisensya – o isuko na lang ang mga hindi lisensyadong armas.
Babala ng CHR sa pambansang pulisya, hindi dapat matulad ang Oplan Katok ng PNP sa mga dating “operation plan” na ginamit lang sa pang-aabuso sa paraan ng illegal arrest, tanim-ebidensya, extortion at extrajudicial killings.
Anang komisyon, hindi dapat balutin ng takot ang mga mamamayan lalo pa’t may papalapit na halalan sa Mayo.
Ayon sa CHR – “The 1987 Constitution explicitly protects individuals against unwarranted searches and seizures, affirming that law enforcement must operate within the bounds of legal and procedural safeguards.”
Nauna nang hinimok ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia ang PNP na suspindihin ang “Oplan Katok” sa panahon ng halalan sa paniwalang posibleng magdulot ng takot sa botante ang presensya ng mga pulis sa komunidad.