
NASA 15 estudyante ng isang pampublikong paaralan ang nasaktan matapos bumigay ang hanging bridge na dinadaanan papasok at pauwi galing sa eskwela.
Sa ulat ng lokal na pulisya ng bayan ng Manito sa lalawigan ng Albay, pauwi na galing sa eskwela ang mga mag-aaral dakong alas 6:00 ng hapon nang bumagsak ang Cawit Hanging Bridge sa Barangay It-ba.
Laking pasasalamat naman ng mga magulang ng mga biktima na mababaw ang tubig ng Kamannitohan River dahil low-tide nang maganap ang aksidenteng mabilis na tinugon ng mga residente. Agad din isinugod sa Manito Municipal Hospital ang mga biktima.
Batay sa impormasyon ng pulisya, ang Cawit Hanging Bridge ay ang tanging tulay na nagdurugtong sa sa kabayanan at coastal barangay ng Cawit.
Patuloy ang imbestigasyon sa hangarin tukuyin ang dahilan sa pagbagsak ng suspension bridge.