ROBBERY in progress! Ganito inilarawan ng isang dating kongresista ang kontratang nilagdaan ng Commission on Elections (Comelec) sa Miru Systems para sa 2025 automated midterm elections.
Sa isang petisyong inihain sa Korte Suprema, hayagang hinikayat ni former Caloocan Rep. Edgar Erice ang husgado na maglabas ng temporary restraining order (TRO) na pipigil sa kasunduan ng Comelec at Miru Systems.
Katwiran ni Erice, may mga irregularidad sa procurement process. Partikular na tinukoy ng dating kongresista ang paggamit ng prototype machines na anniya’y paglabag sa automated elections law.
Sa inilabas na resolusyon kamakailan, sinabi ng Korte Suprema na inabuso ng Comelec ang kapangyarihan matapos pagbawalan ang Smartmatic na lumahok sa public bidding sa mga susunod na halalan dahil sa panunuhol kay dating Comelec chairman Andres Bautista para masungkit ang kontrata.
Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na walang sapat na dahilan para ibasura ang kontrata para sa itinakdang halalan sa susunod na taon.
Kumbinsikdo rin si Erice na pwede pa gamitin ang mga vote counting machines ng Smartmatic na pawang pasok pa aniya sa ‘warranty.’
Pinag-aaralan din niya di umano maghain ng impeachment case laban sa mga Comelec officials na lumagda sa kontrata ng Miru.
