Oplus_131072
WALA nang kakayahan makipagsabayan sa mga sundalo ang mga nalalabing miyembro ng New People’s Army (NPA), ayon kay 2nd Infantry Division chief Major General Ramon Zagala.
Bilang patunay, ipinrisinta sa mga mamamahayag ang nasa 66 high-powered firearms — kabilang ang isang Caliber 50 machine gun — na nasamsam ng mga sundalo sa magkakahiwalay na operasyon laban sa mga komunistang terorista mula Setyembre ng kasalukuyang taon.
Pag-amin ni Zagala, may mga pagkakataon din aniyang nauwi sa engkwentro ang mga operasyon, tulad ng nangyari sa bayan ng Labo, sa lalawigan ng Camarines Norte.
Pagtitiyak ng heneral, magpapatuloy ang operasyon ng tinaguriang Jungle Fighters sa bahagi ng Quezon at Camarines Sur.
Disyembre 16 nang matagumpay na mabawi ng mga Jungle Fighters, 9th Infantry Division at Philippine National Police (PNP) ang pinakamalaking arms cache ng rebeldeng grupo sa Barangay Exciban sa bayan ng Labo.
Samantala, kumbinsido naman si Zagala na ang nasamsam na Caliber 50 ang ginamit ng nasa 50 komunistang terorista sa madugong pagsalakay ng mga NPA himpilan ng Philippine Coast Guard at pagwasak sa sasakyang-dagat ng Philippine Navy sa Barangay Ungos, bayan ng Real.
Dito din umano nasawi ang isang opisyal ng Coast Guard at isang tauhan ng Navy, habang limang iba pa ang sugatan.
Sa mensahe ni Colonel Francis Carandang, malaking bentahe sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo ang mga impormasyong ibinahagi ng mga mamamayan sa iba’t ibang komunidad. (EDWIN MORENO)
