KUNG may ranggo ang mga kapalmuks, pihadoong heneral itong alyas Chica na higit na kilala sa pagpapatakbo ng mga ilegal na pasugalan.
Ang totoo, may talento itong si alyas Chica. Sa husay ng mga bokadura, napaniwala niya ang mga operatiba na kasosyo niya sa pergalan si La Paz Mayor Venustiano Jordan.
Kaya ang resulta — bulag, pipi at bingi na lang ang peg ng mga pulis sa bayan ng La Paz, partikular sa Barangay San Roque ng naturang munisipalidad.
Pati pangalan ni Kapitan Godofredo Diego, bukambibig ni alyas Chica.
Sa pergalan ni Chica, walang pinipiling parokyano — kahit mga bata at naka-unipormeng estudyante, welcome pumusta sa salot na sugal tulad ng color game, drop ball, pula-puti, baraha at roleta at marami pang iba.
Hindi rin nakaligtas sa tsismosong insider ng Kalawit ang yabang ni Chica. Pagyayabang pa ng hitad na illegal gambling operator, walang pwedeng gumalaw sa kanya lalo pa’t naghahatag umano siya ng lingguhang payola kay Kap at sa bata ni mayor.
Ang tanong — alam kaya ni Mayor at Kapitan ang kabulastugan ni Chica?
Sana naman marinig natin ang panig ng alkaldeng ginagamit na pananggalang ng lintek na si Chica. Mangyari kasi, hindi magawang puksain ni La Paz Police Chief Major Joshua Gonzales at ng mga bata ni Tarlac provincial police chief Col. Franklin Estoro ang mga ilegal na pasugalan ni Chica.
Dagdag ng tsismosong insider, gustong-gusto nang bakotehin ni Gonzales ang salot na sugalan. Pero ang panakot ni Chica — “Isusumbong ko kayo kay Mayor.”
Para naman sa inyong lingkod, hindi katanggap-tanggap ang katwiran ni hepe sa nakaambang sumbong ni Chica kay mayor. Panigurado, mas kakampi ang alkalde sa tama — ang puksain ang salot na sugalan sa kanyang nasasakupan.
Hindi na nakakapagtaka na nakarating kay PNP regional director Brig. Gen. Ponce Rogelio Piñones ang sitwasyon sa bayan ng La Paz.
Hirit ng mga residenteng lubos na apektado sa ilegal na pasugalan ni Chica — atasan si Col. Estoro at Maj. Gonzales na puksain ang salot sa kinabukasan ng mga kabataang unti-unting nalululong sa pergalan ni Chica.
Para naman sa inyong reklamo at suhestiyon, mangyaring makipag-ugnayan sa 0967-099-9303.
