
PARA kay Laguna Gov. Sol Aragones, hindi katanggap-tanggap na malagay sa peligro ang publiko dahil sa mga nakahambalang na poste sa mga kalsadang sakop ng lalawigan.
Sa isang direktiba, partikular na tinukoy ni Aragones ang mga nakausling poste sa kahabaan ng highway sa bayan ng Los Baños.
Upang tiyakin ang agarang aksyon, inatasan ng punong-lalawigan si Laguna Provincial Administrator Jerry Pelayo at Los Baños Municipal Mayor Neil Nocon na agad na tanggalin lahat ng posteng nagdudulot ng abala sa mga motorista at mga pedestrian.
Bukod aniya sa abala sa daloy ng trapiko, nagsisilbi rin umanong peligro sa mga motorista ang mga nakabalagbag na poste sa nabanggit na bayan.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan si Jettison Tobias ng Meralco San Pablo-Sta. Cruz Business Center na makipag tulungan sa pamahalaang panlalawigan. Katuwang rin sa “paglilinis” ng lansangan sina Lawrence Abueg ng Meralco Calamba Business Center, Frederick Gomez ng Sta. Rosa Sector at mga kinatawan mula sa Department of Public Work and Highways (DPWH).
Bagamat aminado si Aragones na hindi sapat ang paghawan sa mga nakahambalang na poste para solusyonan ang mabigat na daloy ng trapiko sa nasasakupang lalawigan, malaking bentahe na rin kung “mababawi“ ang isang lane na hindi magamit ng mga motorista dahil sa mga posteng naiwan sa gitna ng daan matapos ang isinagawang “widening” ng DPWH. (ITOH SON)