BUMABA ng 8.9 percent ang insidente ng carnapping sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon, ayon sa Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Sa datos na ibinahagi ni Lt. Dame Malang na tumatayong tagapagsalita ng PNP-HPG, bahagyang bumaba ang insidente ng nakawan ng sasakyan mula Enero hanggang Hunyo 2025 kumpara sa 162 carnapping incidents na nairekord para sa unang anim na buwan ng nagdaang taon.
“Nasa tamang landas tayo… 140 na lang, bumaba ng 8.9 percent ang insidente ng carnapping ng mga four-wheeled vehicles from January 1 to June 30,” wika ni Malang.
Gayunpaman, nananatiling mataas ang bilang ng insidente ng nakawan ng mga motorsiklo. Sa datos ng PNP-HPG, nasa 964 ang naitalang kaso ng pangangarnap ng motorsiklo mula Enero ang katapusan ng Hunyo ng kasalukuyang taon — mas mababa kumpara sa 1,002 na naitala sa parehong panahon ng 2024.
Kumbinsido naman ni Malang na malaking bentahe sa kampanya kontra kriminalidad ang paghirang kay Gen. Nicolas Torre III bilang hepe ng pambansang pulisya. (EDWIN MORENO)
