APAT na araw matapos ang insidente, sumuko sa pulisya ang salarin sa likod ng lantarang pamamaslang ng 20-anyos na lalaki sa harap ng isang pribadong pagamutan sa Barangay San Isidro noong nakaraang Biyernes ng madaling araw.
Gayunpaman, agad na nakalaya ang suspek na sumuko sa Pasig City Police Station matapos igiit ng abogado ng 21-anyos na suspek na si Marquze Corriel Aquino ng Mamerto Compound, Barangay Rosario, Pasig City na lagpas na sa 36-oras na reglamento para sa “warrantless arrest.”
Ayon kay Angono Police chief Major Henry Villagonzalo, kasong murder ang isinampa laban kina Aquino, kasintahang Charlene Cruz at isang Reyzel Tolero.
Kasalukuyang nakapiit si Cruz na unang naaresto ng lokal na pulisya.
Biyernes ng madaling araw nang malapitang barilin sa batok ng suspek ang biktimang si Kevin Villamayor ng Barangay Poblacion Ibaba, Angono habang lulan ng bisikleta sa harap ng San Isidro Hospital, ilang metro lang ang layo sa himpilan ng pulisya.
Binawian ng buhay ang biktima habang ginagamot sa pagamutan. Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy na tututukan ang kaso ni Villamayor hanggang sa makamit ang asam na hustisya para sa biktima ng walang saysay na karahasan.