Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
WALANG iwanan, lahat dapat maramdaman ang kalinga ng pamahalaan, wika ni House Speaker Martin Romualdez sa pagbubukas ng dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) kung saan kabilang na rin sa benepisyaryo ng programa ang mga alagad ng sining na sa bansa’y nagbibigay-ningning.
Sa unang bugso ng ayuda sa temang “Paglinang sa Industriya ng Paglikha,” nasa 15,000 indibidwal na pasok sa industriya ng sining ang binigyan ng tulong pinansyal at serbisyong hatid ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa seremonyang ginanap sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Kabilang sa mga unang biniyayaan sa ilalim ng BPSF ang mga indibidwal mula sa local film, television at broadcast industry.
“Ang BPSF ay isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may layuning matulungan ang bawat sektor ng ating lipunan, kabilang ang mga nasa creative industry. Ipinapakita nito na hindi natin nakakalimutan ng pamahalaan ang ating mga manggagawa sa larangan ng sining at media,” ayon kay Speaker Romualdez.
“Sa bawat serbisyong hatid ng BPSF, layunin nating gawing mas madali at abot-kamay ang mga oportunidad para sa ating mga manggagawa sa creative sector,” dagdag pa niya.
Mula nang inilunsad ang BPSF, na inisyatibang isinulong ni Romualdez, umabot na sa mahigit 2.5 milyong pamilya ang nakinabang sa higit P10 billion halaga ng government services at financial aid mula sa higit 24 lugar sa bansa.
Paliwanag ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr., ang bawat benepisyaryo ay hinandugan ng tig-P5,000 cash aid sa bisa ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ani Gabonada, hangad ng administrasyong Marcos suportahan maging ang hanay ng mga “professionals.”
“Beyond the financial aid, the BPSF also aims to equip the creative industry with skills and knowledge through various training sessions and industry-specific workshops. These workshops are designed to develop expertise in arts, media and entertainment, empowering participants to innovate and thrive in their respective fields.”
Bukod sa tulong pinansyal, binigyan din ng tig-5 kilo ng bigas, o katumbas ng kauubang 75,000 kilos ang mga movie, television at broadcast personnel.
Tampok din sa naturang serbisyo caravan ang higit sa 100 essential government services (kabilang ang permit, clearance at membership applications) na hatid ng nasa 23 ahensya ng pamahalaan
Meron din aniyang alok na training program para sa mga benepisyaryo ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa dagdag-kaalaman at kasanayan pwedeng pagkakitaan.
