PAGKATAPOS ilaglag si National Police Commission chief Edilberto Leonardo, isang Col. Albotra naman ang ikinanta ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, partikular na tinukoy ni Garma ang isang Col. Albotra na di umano’y sniper na kumitil sa buhay ni Tanauan City Mayor Antonio Halili noong Hulyo 2018.
“Yes Mr. Chair, it was public knowledge, it was in the newspaper like the couple na Odicta, di ba namatay po yon. Mayor Halili, mga mayors,” wika ni Garma matapos tanungin ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez kaugnay ng mga malalaking personalidad na napatay sa implementasyon ng war on drugs.
Pag-amin ni Fernandez, lubha niyang ikinagulat ang pagbanggit sa pangalan Halili.
“Ano yung kay Mayor Halili? Sa Calabarzon yan, Tony Halili, ano ang pagkakaalam mo sa pagkamatay ni Mayor Halili?” tanong ni Fernandez.
Sagot ni Garma, “He was shot during the flag raising ceremony, sniper po.”
“Chismis lang kasi yun Mr. Chair, I think imported — kasi during that time po sa war on drugs, pwede pong tumawid ang mga operatives…. Pinagmamalaki kasi ng isa sir eh, na sila,” dagdag pa ni Garma.
Sunod na tanong ni Fernandez ay kung sino ang nagyayabang na tumira kay Halili.
Sagot ni Garma, “Major Albotra, I think he was a lieutenant colonel, he bragged about that to me before, I said ‘oh really’? I asked ‘How did you do it?’ So he said he knows the people in the team.”
“And they were behind the killing of Tony Halili?” sundot na tanong ni Fernandez, na kinumpirma naman ni Garma.
Si Halili ay napatay ng sniper sa isang flag ceremony noong Hulyo 2, 2018.
Nakatakda naman ipatawag sa susunod na pagdinig ng quad comm ang Col. Albotra na binanggit ni Garma.
