MATAPOS tanggalin sa ere ang programang “Private Convos with Doc Rica,” nanindigan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa inilabas na desisyon, kasabay ng giit na hindi pinahihintulutan ng ahensya ang pagtalakay ng kahalayan sa telebisyon.
Sa isang kalatas, ibinasura ng MTRCB ang apela ng Cignal TV Inc. na baliktarin ang unang hatol na nagbigay-daan sa maagang pagtatapos ng programa noong Enero 15 bunsod ng tahasan at malaswang paksa.
Katwiran ng MTRCB, nakitaan ng mga palabag ang programang tumatalakay sa karanasang sekswal ng mga panauhin ng programa sa isang time slot kung saan anila karamihan ng mga manonood ay kabataan.
Sa desisyon inilabas nito lamang Marso 14, kinatigan ng MTRCB Board ang hatol matapos ang makita ang kawalan ng pakialam sa posibleng epekto ng mahalay na talakayan sa mga kabataan.
“Hindi dapat sirain ang kapakanan ng mga batang Pilipino. Bilang ahensya na nagsusulong ng mga Regulasyon at Pagpapaunlad, tinitiyak ng MTRCB na ang mga nilalaman sa ilalim ng hurisdiksyon nito ay nagpapakita ng mga positibong halaga at nakakatulong sa moral na pag-unlad ng mga bata,” wika ni MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto sa pahayag.
Hirit ng MTRCB Board, ang pasya ay naaayon sa tungkulin ng ahensya bilang “parens patriae” upang protektahan ang mga bata mula sa hindi naaangkop na mga palabas na maaaring makasama sa pagsulong ng mga de-kalidad na programa sa telebisyon at proteksyon ng moral na pag-unlad ng mga bata.
Kumbinsido rin ang MTRCB na ang programang “Private Convos with Doc Rica” ay lumabag sa Presidential Decree 1986.
“Ang paggamit ng wikang puno ng kasarian at tahasang mga talakayan sa mga sekswal na karanasan ay walang lugar sa oras kung saan karamihan ng mga manonood ay bata.”
