TULUYANG pinilay ng legendary trio na sina Tito, Vic at Joey ang Television and Production Exponent (TAPE) Inc. matapos maglabas ng pasya ang korte kaugnay ng trademark ng “Eat Bulaga.”
Sa pagharap ng mga original host ng naturang programa, lubos na pinasalamatan ni dating Senador Tito Sotto, kapatid na si Vic Sotto at barkadang si Joey de Leon ang Marikina City Regional Trial Court sa inilabas na resolusyon.
Batay sa pasya ng Marikina RTC Branch 273, nakasaad na ang tatlong komedyante ang tunay na may-ari ng pangalang “Eat Bulaga,” maging ang mga logo, theme song at anumang nakakabit sa naturang programa.
Inisa-isa ng dating senador ang desisyong pabor sa legendary trio, kasama sa kanyang nabanggit ang danyos base sa asuntong isinampa ng TVJ laban sa TAPE Inc. ng pamilya Jalosjos.
Ipinag-utos din ng korte sa Intellectual Property Office of the Philippines na kanselahin ang trademark registration ng TAPE Inc. para sa pangalang “Eat Bulaga”.
“Madaling salita, nanalo po tayo,” wika ni Vic.
“Tayo po ang may-ari ng Eat Bulaga,” dagdag pa ni Tito.
