
SA gitna ng balasahang ikinasa ni Agriculture Sec. Francis Tiu Laurel sa kagawaran, dalawang mataas na opisyales ng Department of Agriculture (DA) ang nagbitiw sa pwesto.
Kabilang sa mga nagpaalam sa departamentong dating hawak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Senior Undersecretary Domingo Panganiban at Undersecretary Leo Sebastian na pinili na lang magretiro sa serbisyo sa gobyerno.
Ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa, sa Pebrero pa magkakabisa ang pagreretiro epektibo ni Sebastian na itinalagang mangasiwa sa Masagana Rice Industry Development Program.
Bago pa man ang paghirang kay Laurel, una nang sinabi ni Panganiban na ang kanyang panunungkulan ay pansamantala lamang.
Taong 2022 nang makaladkad sa kontrobersiya ang pangalan ni Panganiban kaugnay ng kanyang paglagda sa sugar importation order, na nagsilbing hudyat sa kanyang biglang pagbibitiw sa pwesto.
Nang sumunod na taonn, muling itinalaga ni Marcos si Sebastian para pamahalaan ang Masagana Rice Industry Program ng naturang ahensya.
Samantala, inatasan ni Laurel si Director U-Nichols Manalo na pamunuan ang national rice program, kasabay ng posisyon bilang officer-in-charge (OIC) ng Field Operations Service at National Corn Program.
Ibinigay naman ng Kalihim kay OIC-Undersecretary for Operations Roger Navarro ang Rice Industry Development at Philippine Rural Development Project.
Hinirang din ni Laurel si Undersecretary for Fisheries Drusila Esther Bayate bilang Undersecretary for Policy, Planning and Regulations.
Samantala, si Undersecretary Mercedita Sombilla ang mangangasiwa sa mga programa ng mga kawanihan sa ilalim ng DA, habang itinalagang Undersecretary-designate for Finance si Chief Administrative Officer at OIC Director for Financial and Management Service Thelma Tolentino.
Tututukan naman ni Undersecretary Agnes Catherine Miranda ang operasyon at programa ng mga attached agencies at maging yaong mga korporasyon sa ilalim ng kagawaran ng agrikultura.