Ni JAM NAVALES
LUBOS ang kasiyahan at may pagpapakumbabang pasasalamat ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee sa panibagong pagkakataong makapag-abot ng tulong at magkaloob ng serbisyo sa sambayanan sa pamamagitan ng bago niyang weekly TV program na “Si Manoy ang Ninong Ko.”
“Masaya at sobrang honored po tayo na maging bahagi ng programang nagpapakita ng mga tunay na kwento at hamon na kinakaharap ng marami nating mga kababayan,’ ang malugod na pahayag ni Lee, na isang dating negosyanteng pinili maglingkod sa bayan.
“Dasal po natin na sa pamamagitan ng programang ito, hindi lang tulong na may pangmatagalang impact ang maihahatid natin, kundi pati na rin pag-asa at inspirasyon sa marami nating kababayan. Pag-asa na malampasan ang pagsubok, gaano man kabigat; inspirasyon na tumulong at magmalasakit sa kapwa para mapagaan ang kanilang pasanin, at sa dulo, maging Winner Tayo Lahat,” pahayag ng Bicolano lawmaker.
Ang naturang TV show ay ang bagong public service program ng GMA-7 kung saan kasama ni Lee bilang co-hosts sina showbiz personalities Gelli de Belen, Sherilyn Reyes-Tan at Patricia Tumulak, mula alas-7:00 ng umaga hanggang 8:00 ng umaga tuwing araw ng Linggo.
Sa naging pilot episode nito nitong nakaraang Marso 3, tinalakay ang mga problemang kinakaharap ng onion farmers sa Bayambang, Pangasinan kung saan kabilang dito ang malaki nilang pagkalugi at malaking pagkakautang dahil sa hindi maganda ang kanilang ani at pagbuhos ng imported at smuggled na sibuyas sa bansa.
Bilang tugon ng “Si Manoy ang Ninong Ko” program, ang mga nasabing magsasaka ay pinagkalooban ng fertilizers, pesticides at mga binhi seeds bukod pa sa pangakong bibigyan sila ng delivery trucks para magamit sa paghahatid ng kanilang mga ani sa iba’t-ibang pamilihan.
Sumunod naman tinalakay ang kahilingan ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) ng Orani, Bataan, na isang volunteer sea guardian group at aktibong tumutulong para protektahan ang kabuhayan ng mga kasamahan nilang mangingisda at nagsasagawa rin sila ng rescue and disaster response operations.
Kaya naman ang hirit ng MFARMC – rescue boat upang mapalakas ang kanilang mobility at capability, na walang pasubaling tinugunan ni Lee.
