TULAD ng inaasahan, walang “solid voting” na magaganap sa loob ng National Unity Party (NUP), ayon mismo sa pinuno ng partido.
Ayon kay NUP chairman Deputy Speaker Ronaldo Puno, mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng partido ang pabor litisin sa senado na tatayong impeachment court, si Vice President Sara Duterte.
“Out of our 55 members, siguro mga I would say maybe 60% a little over half,” pahayag ni Puno sa panayam ng mga mamamahayag sa Kamara.
Sa pagtataya ni Puno, nasa 30 NUP congressmen ang boboto ng pabor sa impeachment case laban kay Duterte.
Gayunpaman, posible pa rin aniyang magbago ng posisyon ang mga naturang miyembro matapos ihayag ni Puno na hindi manghihimasok o magdidikta ang NUP sa saloobin ng mga miyembro ng partido sa usapin ng impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Samantala, inamin ni Puno na lubhang nahihirapan magdesisyon ang mga mambabatas na mula sa Mindanao. Ang dahilan – suportado ng mga residente ng nasasakupang distrito ang mga Duterte.
“They (Mindanao congressmen) will call their barangay and everybody saying no. And never mind daw to you know, kung matuyuan sila projects. They don’t care if they are made to suffer over the next two years, they just really cannot accept the impeachment of their vice president,” ani Puno.
Meron din aniyang na hindi pa nakakapagpasya dahil sa pag kontra isang religious group sa impeachment case laban kay VP Sara.
