SA hangarin isulong ang pagkakaisa at patriotismo, idinaan sa anyong sining sa kalye ang isang natatanging adbokasiya — ang pukawin ang pagmamahal para sa bansa.
Sa isang pagtitipon sa labas ng Manilz North Cemetery, pinangunahan ni Herbert Antonio Martinez na tumatayong founder ng BLESSED Movement ang pasinaya ng “Fight For Our West Philippine Sea” mural wall bilang simbolo ng pagkakaisa at pagmamahal ng mga Pilipino sa bansa.
Bukod kay Martinez, kasama rin si National Youth Commission Chairperson Jeff Ortega, sa inilunsad na MANAMo Wall Project sa temang “Kulayan ang Karagatan: Kabataan Para sa West Philippine Sea.”
Layunin ng proyekto ipakita ang pagkamalikhain, nasyonalismo, at pagkakaisa ng kabataang Pilipino sa pagtatanggol ng karapatan ng bansa sa karagatan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Martinez si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia sa patuloy nitong adbokasiya at inspirasyon sa mga kabataan at civic groups, kasama ang Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, ABKD, LIPI, at PADER ng Demokrasya, na nagpahayag ng pagkondena sa patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.
Batay sa Pulse Asia survey, 94% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat ipagtanggol ng pamahalaan ang ating soberanya laban sa “coercive behavior” ng China. (BONG SON)
