NI LILY REYES
NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga lokal na pamahalaan na bawasan ang amusement tax o mas mainam ay pansamantalang gawing ‘zero tax’ ang mga lokal na filmmakers sa bansa.
“Baka pupuwedeng i-zero na natin. Tulong na natin for the next three years para makabangon naman sila,” apela ni Abalos sa isang press conference.
Sa kasalukuyan, aabot sa 30 porsyento pataas ang amusement tax base sa gross receipts mula admission fees.
Ginawa ni Abalos ang pahayag matapos ang makipagpulong sa mga executives mula sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), Regal Films, GMA Films, Viva Films, APT Entertainment, at Quantum Films.
Bukod sa mabigat na buwis, humingi rin ng tulong ang mga film producers sa DILG na tugunan ang kanilang mga alalahanin sa mga masalimuot na proseso para sa mga permit at pati na rin ang pamimirata ng pelikula.
Ayon kay FDCP chairperson at aktor na si Tirso Cruz III, ang mga iminungkahing pagbabago ay hindi lamang makatutulong sa lokal na industriya ng pelikula kundi makakaakit din ng mga dayuhang produksyon na isama ang Pilipinas sa kanilang mga lokasyon.
“Sana sila ay magpuntahan dito kaysa sa pumupunta sila sa ibang bansa, magsho-shoot sila doon. Tapos pinapalabas nilang Pilipinas. Parang masakit ho sa mga producers namin,” dagdag ng beteranong aktor.
