NAGLABAS ng serye ng Valentine’s Day reminders ang Department of Health (DOH) kaugnay ng ligtas, responsableng pakikipag-date at pangangalaga sa mental at sexual health.
Sa isang kalatas, binigyang diin ng DOH na dapat pinag-uusapan at pinaplano ang intimacy, kabilang ang consent at personal boundaries, at kailangang iwasan ang pangungulit, pamimilit, at anumang hindi pagrespeto sa desisyon sa pagtatalik.
Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na unahin ang self-love at mental health sa pamamagitan ng pagtatakda ng boundaries, pag-unplug muna sa trabaho, at pagiging present sa oras kasama ang sarili o pamilya.
Para sa proteksyon sa pakikipagtalik, iginiit ng DOH ang kahalagahan ng paggamit ng proteksyon laban sa sexually transmitted infections gaya ng HIV, kabilang ang libreng combination prevention tulad ng condom, lubricant, at pre-exposure prophylaxis o PrEP.
Ayon sa DOH, may iba’t ibang family planning methods na libre sa mga DOH hospitals, bilang bahagi ng pagsusulong ng responsableng pagpapamilya.
Kasabay nito, inanyayahan ng DOH ang mga nais tumigil sa bisyo na tumawag sa DOH Quitline 1558 para sa suporta. (JULIET PACOT)
