HINDI kailanman magiging legal ang pag-ampon ng bata nang hindi dumadaan sa tamang proseso.
Ito ang giit ng Korte Suprema matapos ibasura ang adoption petition ng isang Eleazar Robiso. Ang dahilan — walang sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, iginiit ng Korte Suprema na hindi sapat ang pagsuko ng karapatan ng ina sa batang mula sa sariling sinapupunan.
Pinagtibay rin ng Third Division ng kataas-taasang hukuman ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na una nang nagbasura sa adoption petition ni Robiso bunsod ng kawalan ng DSWD Certification.
Nag-ugat ang kaso nang iwan ng isang bhindi pinangalanang ina ang sanggol sa pangangalaga ni Robiso.
Bagamat nagsumite si Robiso ng Affidavit of Consent na nilagdaan ng ina na nagsabi hindi na niya kayang suportahan ang bata at ipinagkatiwala ito kay Robiso, nanindigan ang husgado na pasok sa kategorya ng “surrendered child” ang kinupkop na bata, alinsunod sa Republic Act 9523.
Sa ilalim ng naturang batas, kailangan dumaan sa DSWD ang mga tinaguriang “surrendered, abandoned, neglected and dependent children.”
Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na hindi kailangan ang DSWD Certification kung kaanak ng ina ang mag-aampon sa bata.
