HIGIT pa sa alinsangan ang dapat isaalang-alang sa pagpasok ng panahon ng tag-init.
Sa isang kalatas, isang panawagan ang inilabas ng Department of Health (DOH) — doble ingat laban sa mga panganib ng heat exhaustion at heat stroke, mga kondisyong maaaring ikamatay kung hindi agad maagapan.
Ilan sa mga sintomas ng heat stroke ang lagnat, pagkahilo, pangangalay, pagkawala ng malay, mainit na temperatura at namumulang balat.
Payo ng DOH sa publiko, sundin ang Heat Health Reminders para maging ligtas ngayong panahon ng tag-init.
Kabilang sa rekomendasyon ng kagawaran ang pag-iwas sa mabibigat na pisikal na gawain mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, pag-inom ng 7-8 baso ng tubig kada araw, paggamit ng payong, pamaypay o sombrero kapag lalabas ng bahay at pagsusuot ng magaan at maluwag na damit para maging presko ang pakiramdam.
