LUBOS na pinasalamatan at biniyang-pagkilala ni House Speaker Martin Romualdez ang Harvard-trained Filipina scientist na si Dr. Ea Kristine Clarisse Tulin-Escueta na nagbahagi kamakailan ng kaalaman sa agham sa mga kabataan ng Eastern Visayas region.
“By mentoring students and future researchers, Dr. Tulin-Escueta uplifts not just minds but entire communities—she exemplifies servant leadership and inspires our youth to dream and excel,” pahayag ni Romualdez matapos ang pagbisita ng Visayas State University (VSU) faculty member sa Batasan Complex.
“Si Dr. Tulin-Escueta ay tunay na isang Bagong Pilipino—dalubhasa, naglingkod sa bayan, at nagbigay-inspirasyon sa ating kabataan na pangarapin ang agham at itaguyod ang kaunlaran ng bansa,” wika ng lider ng Kamara.
Si Dr. Tulin-Escueta ang kauna-unahang miyembro ng VSU faculty na nakapagtapos ng Harvard post-doctoral fellowship. Siya ay nagsaliksik sa larangan ng anti-glycan monoclonal antibodies sa Beth Israel Deaconess Medical Center ng Harvard Medical School.
Ang anti-glycan monoclonal antibodies ay may malawak na gamit sa medisina, pananaliksik, at biotechnology, kabilang ang diagnosis at paggamot sa iba’t ibang sakit at kanser.
“Dr. Tulin-Escueta’s accomplishment highlights Filipino excellence on the world stage. Her choice to come home and mentor our youth is a powerful act of service to the country,” diin pa ni Romualdez.
Ayon sa pinuno ng Kamara, ang pagbabalik ni Dr. Tulin-Escueta sa bansa ay kaakibat ng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang research and development, pasiglahin ang STEM education, at magbigay ng mas maraming insentibo sa mga Filipino scientists sa ibang bansa na bumalik sa Pilipinas.
Muling ipinaabot ni Speaker Romualdez ang matibay na suporta ng Kamara sa mga programa ng Department of Science and Technology (DOST), lalo na sa mga proyektong nagsusulong ng Bagong Pilipinas ng Marcos administration sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga lokal na komunidad gamit ang agham at teknolohiya.
“The House of Representatives stands firmly behind President Marcos’s drive to invest in innovation, support future scientists, and incorporate scientific excellence into our national progress. We will ensure that adequate resources are allocated in our national budget to achieve this vision,” saad ni Romualdez.
Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program, may P30.4 bilyong pondo na nakalaan para sa DOST na naglalayong paunlarin ang agham at teknolohiya sa bansa
Pangunahing pinaglalaanan ng pondo ang Grants-in-Aid Program (P8.9 bilyon) na sumusuporta sa pambansang R&D projects, higit 65,000 STEM scholars (P8.3 bilyon), interdisciplinary research (P3.9 bilyon), at insentibo sa ilalim ng Balik Scientist Program upang hikayatin ang mga Filipino experts na bumalik sa bansa (P109 milyon). (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
