KASABAY ng mabilis na pag-inog ng panahon, nagbago na rin ang tema sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Batay sa survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), mas kursunada ng mga Pinay makatanggap ng pera kesa sa karaniwang regalong bulaklak at tsokolate sa pagsapit ng Pebrero 14.
Sa 1,200 respondents na lumahok sa SWS survey, 16% ang nagsabing mas mainam kung pera ang kanilang matatanggap na regalo sa mismong araw ng mga puso. Nasa 11% naman ang nilanggam sa pagsasabing “love at companionship” ang pinakamainam na handog ng karelasyon.
Gayunpaman, 10% ang nanindigan na kinagisnang tradisyon – ang pagreregalo ng builaklak sa kanilang iniirog.
Ang iba pang Valentine’s Day wishes ng mga Pinoy ay apparel (9%), “any gift from the heart” (5%), mobile phone (5%), relo at alahas (5%), good family relationship (5%), food at grocery items (3%), chocolate (3%), good health para sa mga mahal sa buhay (3%), motorsiklo at iba pang sasakyan (2%), at appliances (2%).
Halos wala naman pumili sa written o in-person greeting, halik, anak, date o dinner, bahay, cake, stuffed toy, kasal, alcoholic drink, pabango at cosmetics.
Pinakamarami sa mga pabor na pera ang matanggap sa Valentine’s Day ang mga kababaihan.
Samantala, lumitaw rin sa survey na 58% ng mga Pinoy ang nagsabing napakasaya nila sa kanilang love life, at malaking bilang nito ay mga mag-asawa, habang 23% ang maaaring mas sumaya pa ito at 19% ang nagsabing wala silang love life sa kasalukuyan.
Sa pagsusuri ng SWS, lumalabas din ang unti-unting lumalaking bilang ng mga Pinoy na nagsasabing wala silang love life.
