Ni JAM NAVALES
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggagawad ng parangal sa 27 indibidwal at grupong wagi sa taunang Search for Outstanding Government Workers sa Malacañang nitong Miyerkules, Pebrero 14, 2024.
Katuwang sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles, CSC Commissioners Aileen Lourdes A. Lizada at Ryan Alvin R. Acosta, gayundin si Ombudsman Samuel Martires ng Office of the Ombudsman, personal na iginawad ng Pangulo ang pagkilala para sa iba’t ibang kategorya.
Walo ang binigyang parangal habang 10 naman ang pasok sa talaan ng Outstanding Public Officials and Employees (Dangal ng Bayan) Award at siyam pang iba ang nakapag buslo ng Pag-Asa Award.
Ginawaran naman ng Presidential Lingkod Bayan ang limang tagapagturo at tatlong koponan na ipinagkaloob sa mga nakapagbigay ng pambihirang kontribusyon sa pamamagitan ng mga makabagong ideya o mga epektibong aksyon na may kahalagahan sa bansa, partikular sa mga larangan ng pampublikong interes, seguridad, at patrimonya.
Samantala, tumanggap naman ng Dangal ng Bayan Award ang mga kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan at local government units. Ito ay iginagawad sa mga indibidwal para sa pagganap ng mga pambihirang gawain ng pampublikong serbisyo at pare-parehong pagpapakita ng kapuri-puri na etikal na pag-uugali, batay sa pagsunod sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Panghuli, ang CSC Pagasa Award, na ibinigay sa isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal para sa mga natitirang kontribusyon na direktang nakikinabang sa higit sa isang departamento ng gobyerno, ay iginawad sa anim na indibidwal at tatlong grupo.
“Isang mahalagang paalala sa ating lahat ang halimbawang ipinamalas ng ating mga lingkod bayani. Sana ay maging inspirasyon natin sila upang ipagpatuloy ang tama at mabuting gawain nang may pagmamalasakit sa ating mga kababayan at sa ating bayan. Ito ay magiging susi sa ating pagkamit ng layunin ng isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay para sa lahat,” wika ni Chairperson Nograles sa kanyang pambungad na pananalita.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang ating mga pararangalan upang mapagtanto ng lahat na ang serbisyo publiko ay hindi instrumento sa pagpapaunlad ng sarili, kung hindi para sa kabutihan ng nakararami,” dagdag pa ni Nograles.
Ang taunang Search for Outstanding Government Workers ay naaayon sa mandato ng CSC batay sa 1987 Philippine Constitution at alinsunod sa Executive Order 292 o ang Administrative Code of 1987; EO 501 (series of 1992) na sinususugan ng EO 77 (series of 1993); at Republic Act 6713.
Gaya ng itinadhana sa ilalim ng Seksyon 35, Kabanata 5, Aklat V ng Administrative Code ng 1987, tungkuul.in ng CSC magsilbing Honor Awards Program (HAP) Secretariat at magsasagawa ng taunang paghahanap para sa mga huwaran sa larangan ng serbisyo publiko.
Samantala, ayon sa CSC, ang pagsusumite ng mga nominasyon sa 2024 Search for Outstanding Government Workers ay nagpapatuloy sa online submission. Meron na lamang hanggang Marso 31, 2024 ang pagsusumite ng nominasyon.
Para sa mga katanungan at paglilinaw, makipag-ugnayan sa HAP Secretariat sa pamamagitan ng email sa hapsecretariat@csc.gov.ph o mag-email sa Contact Center ng Bayan ng CSC sa email@contactcenterngbayan.gov.ph o mag-text sa 0908-88-1-6565.
