
HINDI limitado sa mga bulilyaso ng pamilya Duterte ang imbestigasyon ng Kamara, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Katunayan aniya, target rin ng mababang kapulungan talupan ang mga malalaking kumpanyang nagtatamasa sa public utility sector kabilang ang Meralco, Maynilad at Manila Water na pawang pag-aari ng mga dambuhalang oligarko.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Romualdez ang masusing pagsisiyasat sa mga usaping direktang nakaapekto sa pamumuhay ng bawat Pilipino, kasabay ng pagtitiyak na hindi palalampasin ng Kamara ang mataas na singil at palpak na serbisyong dulog ng mga tao
Sa isang simpleng salu-salo sa hanay ng mga peryodista, binigyang-diin ni Romualdez na walang “timetable” ang pagsisikap ng Kongreso mapabuti ang katayuan ng mga pamilyang Pilipino at iba pang indibidwal sa bisa ng “congressional inquiry in aid of legislation.”
“We will not stop there. Mind you, once we solve that, or at least we get the process going in bringing down the price of basic food commodities, we will even look at other basic needs of the people like power or energy cost,” sabi pa ng pinuno ng mababang kapulungan.
“We will look at the water. We will look at the very basic needs of the people because we are the House of the People,” dagdag pa niya.
Paglilinaw ng lider kongresista, ang ilulunsad na congressional probe ay alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng magandang buhay para sa lahat.
“Basta sama-sama tayo, babangon tayo muli,” aniya pa.
Tulad na lang aniya ng quinta committee, hangad ng Kamara alamin ang puno’t dulo ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa merkado – at panagutin ang mga sabit sa bulilyaso – kesehodang oligarko o mga opisyales ng gobyerno.
Kabilang sa mga bumubuo ng quita comm ang mga komite ng Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at Food Security. (Romeo Allan Butuyan II)